4 testigo sa hazing, ‘binitbit’ ng NBI
MANILA, Philippines - Apat na testigo na ngayon ang hawak ng National Bureau of Investigation (NBI) na pinagkukunan nila ng mahahalagang impormasyon para sa isinasagawang imbestigasyon sa naganap na hazing na ikinasawi ng 18-anyos na sophomore student ng Dela Salle-College of St. Benilde student na si Guillo Cesar Servando.
Sa panayam kahapon kay NBI-Death Investigation Division (DID) chief, Joel Tovera, kamakalawa nang kunin nila mismo ang apat na hindi pinangalanang testigo at hindi ito kusang nagtungo sa NBI.
Dinala nila ang apat sa NBI headquarters hapon ng Linggo at naniniwala sila na mahalaga ang mga impormasyong nakalap nila mula sa mga ito bilang ebidensiya.
Naghahanda na ng kanilang affidavit ang mga testigo hinggil sa mga nasaksihan nila kabilang ang mga taong sangkot sa paghahatid sa biktimang si Guillo Cesar Servando at mga kasama nito sa One Archer’s condominium noong gabi ng Hunyo 28, bago tuluyang nasawi ang una.
“Gusto lamang naming mangyari na tuloy-tuloy kami sa pag-iimbestiga kaya kahit testigo ay kinuha o sinundo na namin kahit hindi sila kusang nagtungo sa NBI,” ani Tovera.
Samantala, hindi umano sumipot sa NBI ang opisyal ng Tau Gamma Phi Fraternity na pinadalhan ng subpoena maging ang isa pang biktima ng hazing.
Gayunman, ang isang biktima ay nagpahiwatig na magsasampa na siya ng pormal na reklamo laban sa mga suspek.
Nabatid pa kay Tovera na halos nakumpleto na nila ang mga pangalan ng 11 suspek sa nasabing initiation rites na ikinasawi ni Servando.
Inaalam din nila kung may katotohanan na nakalabas na ng bansa ang ilan sa mga ito.
Patuloy umano ang kanilang pakikipag-uganayan sa CSB para sa mga tunay na pangalan ng mga suspek dahil ilan sa mga ito ay gumamit ng mga alyas.
Aalamin din nila na ilan sa suspek ay menor de edad na hindi puwedeng ilantad ang mga pangalan o hindi na rin nila pipiliting makuha ito mula sa nasabing unibersidad.
Samantala, sinabi naman ng Makati City Police na kailangan ang pulidong mga ebidensiya para hindi mabasura ang kasong isasampa laban sa mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity na sangkot sa hazing.
Sinabi ni Police Senior Supt. Manuel Lukban, hepe ng Makati City Police, sa ngayon aniya ay kino-consolidate pa nila ang mga ebidensiya upang maging pulido at hindi masayang ang kanilang effort.
Sabi ng Makati City Police base sa kanilang kakayahan sinisikap nilang makakalap pa ng mga matibay na ebidensiya laban sa mga miyembro ng fraternity na sangkot sa krimen upang hindi aniya mabasura ang kasong isasampa nila sa piskalya laban sa mga ito.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagbibigay ng tunay at kumpletong pangalan ang Makati City Police ng mga suspek sa kabila na ipinahayag ng NBI na mayroon na silang listahan ng mga kumpletong pangalan ng mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity na sangkot sa hazing at sa kamatayan ni Servando.
Nabatid sa Makati City Police, dalawang affidavit na ang hawak nila ngayon hinggil sa naganap na hazing sa apat na neophytes ng Tau Gamma Phi Fraternity kabilang ang nasawing si Servando.
- Latest