5 sabit sa hazing, susuko!
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Makati City police na limang suspect sa naganap na hazing na naging dahilan ng pagkasawi ni Guillo Cesar Servando, ay nagpahayag ng kanilang pagsuko bago pa maisampa ang kaso sa korte.
Ayon kay Police Senior Supt. Manuel Lukban, hepe ng Makati City Police, anumang oras at araw ay posibleng lumutang na ang ilan sa mga suspek.
Ito ay matapos niyang makipag-usap sa mga ama ng ilan sa mga suspects. Ang miting ay inayos ng mga miyembro ng Tau Gamma Phi.
“Siniguro nila sa akin na nais nilang humingi ng patawad sa pamilya ng mga biktima. Kinukumbinsi rin nila ang iba pang magulang ng sangkot na gawin na rin ang pagpapasuko. Kung may makukulong rin naman, gusto nila makulong na lahat,” dagdag pa ni Lukban.
Nabatid pa rin sa pulisya, base sa pahayag ng caretaker sa bahay na pinangyarihan ng hazing na si Jomar Pajarito, na habang umano’y nagaganap ang hazing sa apat na neophytes kasama umano ng isa sa mga suspek na si alias “Kurt” ang kanyang girlfriend.
Pansamantala munang hindi ibinunyag ng Makati City Police ang pangalan ng girlfriend ng isa sa mga suspek at malamang ay mapabilang din ito sa kaso.
Iniimbestigahan din ng pulisya, kung nasa impluwensiya ba ng ipinagbabawal na gamot ang mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity nang magsagawa ng initiation rite laban sa apat na neophytes. Sa halip naman na sa Makati City Police, sa National Bureau of Investigation (NBI) ibinigay ni Aurelio Servando, ama ng nasawing biktima ang cellphone nito, na posibleng may makuha ditong mga impormasyon upang gamiting ebidensiya laban sa mga miyembro ng fraternity.
Nagsasagawa na rin ng validation ang pamunuan ng Makati City Police, kung gagawin bang isa sa mga testigo si Pajarito, na depende aniya ito sa magiging pahayag ng tatlo pang biktima ng hazing na kasalukuyang nagpapagamot sa ospital.
Muling nilinaw ng Makati City Police, na wala pa silang hawak na sworn statement ng mga biktima at testigo.
Kung kaya’t hindi pa aniya maisasampa ang kaso laban sa mga suspek at may isinasagawa pang follow-up operation ang pulisya laban dito.
- Latest