2 MMDA constable huli sa extortion
MANILA, Philippines - Dalawang traffic constable ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang naaresto ng pulisya matapos isagawa ang entrapment operation dahil sa pangongotong sa isang driver na hiningan nila ng P3,000 kapalit ng kinumpiska nilang plaka ng sasakyan nito sa Quezon City.
Sa ulat na nakarating sa Quezon City Police District-Public Information Office Chief Insp. Maricar Taqueban, sina Noel Galang, 31, ng GSIS Village, Brgy. Sangan Marikina City at Salvador Sison, 50, may-asawa, ng Montalban Rizal ay inaresto base sa reklamo ng isang Teodorico Basas, 41.
Isa sa mga kasamahan nito na si Randy Florida ang nakatakas.
Nadakip ang mga suspek sa may isang gas station na matatagpuan sa Katipunan corner Boni Serrano Avenue, alas- 8:30 Miyerkules ng gabi.
Bago ito, nagpunta ang biktimang si Basas sa tanggapan ng MMDA, partikular sa intelligence investigation office nito at inireport ang umano’y tatlong traffic constable nito na namumuwersa sa kanya na magbigay ng halagang P3,000, kapalit ng nabaklas niyang plaka ng sasakyan.
Ibibigay anya ang pera sa may Katipunan Avenue, dahilan para agad na makipag-coordinate ang MMDA sa operatiba ng Police Station 8 ng QCPD para sa entrapment operation.
Pagsapit sa may gas station sa nasabing lugar nakita ng tropa ang tatlong MMDA personel at nilapitan sila ng biktima kasabay ng pag-abot kay Galang ng marked money na halagang P2,500. Dito na kumilos ang pulis at inaresto ang dalawa, habang si Florida ay nakasakay sa motorsiklo ay nagawang makatakas.
Nakapiit ngayon ang dalawa sa PS8 habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila.
- Latest