Sa Makati isinagawa ang initiation, 1 suspect sa hazing sumuko na
MANILA, Philippines - Sumuko na sa Manila Police District ang isa sa 11 suspek sa naganap na hazing na ikinamatay ng De La Salle-College of Saint. Benilde sophomore na si Guillo Cesar Servando.
Ayon kay Chief Insp. Erwin Margarejo, hepe ng MPD-PIO hindi muna ibinunyag ang pangalan ng suspek para na rin sa seguridad nito.
Sa paglutang ng isa sa suspect, nabatid din na hindi sa Maynila kundi sa Makati City isinagawa ang hazing.
Dahil dito, nakatakdang i-turn over ng Manila Police sa Makati police ang kaso maging ang sumukong suspect.
Nabatid sa isinagawang pagtatapat ng lumutang na suspect na sa isang bahay sa Palanan, Makati nangyari ang hazing.
Ang suspek ay miyembro rin ng Tau Gamma Phi Fraternity at caretaker ng nasabing bahay.
Inihahanda na rin ng MPD ang mga kinakailangang dokumento at handa pa rin silang makipagtulungan sa Makati Police kung kinakailangan sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.
Lumilitaw na nag-taxi lamang ang apat na biktima mula sa Makati at hindi gumamit ng sasakyang Honda CRV tulad ng unang naiulat.
Posible umanong nais na lituhin ang imbestigasyon ng pulisya.
Samantala, bago ang pagsuko, ikinokonsidera na ng MPD na suspek sina Trex Garcia at Hans Tamaring matapos na positibo itong ituro ng isa sa mga biktima sa kuha ng CCTV ng One Archer’s Place.
Sina Garcia at Tamaring ay kinilala ni John Paul Raval, anak ng may-ari ng Unit 2907 sa 29th floor na si Ret. General Emmanuel Raval ay humihila kay Guillo Cesar Servando.
Sinabi naman ni MPD Homicide chief, Sr. Insp. Steve Casimiro na bineberipika pa rin nila kung totoong pangalan ito ng mga suspek. Pawang mga alyas lamang ng mga suspek ang kanilang nakalap.
Bukod kina Garcia at Tamaring, bineberipika pa rin nila ang mga alyas Aircon at Pope. Aniya ang mga pangalang ito lamang ang nare-recall ng mga biktima na papasok pa lamang sa grupo.
Ayaw din umanong magbigay ng De La Salle-College of Saint Benilde ng listahan ng mga estudyante upang malaman kung ang 11 tinutukoy na suspek ay pawang kanila ngang estudyante.
Sinabi umano ni Aurelio Servando, ama ng nasawing si Guillo na tiwala naman siya sa imbestigasyon ng MPD kasabay ng pagbibigay ng katiyakan na makikipagtulungan sila sa ikalulutas ng kaso.
Samantala, magsasagawana rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation hinggil sa bagong insidente ng hazing.
Napag-alamang inutos ni Justice Secretary Leila de Lima kay NBI Director Atty. Virgilio Mendez na makipagtulungan sa MPD na magsagawa ng malalimang imbestigasyon. Ang unit ng Death Investigation Division ng NBI naman ang tututok sa kaso.
Sa isinagawang post-mortem examination kay Servando, “traumatic injuries trunk and lower extremities” ang kanyang ikinamatay.
- Latest