Construction worker kinatay dahil sa P14 utang sa tong-its
MANILA, Philippines - Nilaslas ang leeg at tinadtad ng saksak ang katawan ng isang 34-anyos na construction worker, habang natutulog sa barracks na pinaniniwalaang resbak ng kanyang ka-trabaho kaugnay sa hindi pagbabayad ng P14 sa larong tong-its, sa Tondo, Manila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Benjamin Pangan Jr., ng 7 San Miguel Ridge, Marulas Valenzula City, habang mabilis namang tumakas matapos isagawa ang krimen ng suspek na nakilala sa alyas Amay.
Sa ulat ni SPO1 Richard Escarlan, ng MPD-Homicide Section, dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang pananaksak sa barracks ng mga manggagawa sa ginagawang gusali sa Wagas St., Tondo.
Nabatid sa imbestigasyon na habang nag-iinuman ang mga construction worker ay naglaro rin sila ng tong-its. Natapos ang laro na hindi umano binayaran ng biktima ng P14 ang suspek hanggang sa natulog ito na lingid sa kaniya ay may galit ang huli.
Nang makatulog sinamantala ng suspek na pagsasaksakin ang biktima. Nilaslas ang leeg nito saka pinag-uundayan ng saksak sa dibdib at sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima na agad nitong ikinasawi.
Nabatid na kaibigan at madalas kabiruan ng biktima ang suspek kahit sa oras umano ng trabaho kaya hindi akalain na sa simpleng bagay ay mapapatay ang biktima.
Inaalam din kung may iba pang motibo o dahilan ang pagpatay ng suspek sa biktima, na maaring mas malalim pa kaysa sa P14 na utang sa tong-its.
- Latest