Nagpanggap na parak, arestado
MANILA, Philippines - Arestado ang isang lalaki matapos itong magpanggap na pulis at mahulihan ng toy gun habang nagmamaneho ng motorsiklo at walang suot na helmet sa isang check-point na isinagawa ng mga pulis kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention cell ang suspek na si Datu Mukalid, 30, vendor, ng Maharlika Village, Taguig City.
Base report na natanggap ni Chief Inspector Angelito de Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), Pasay City Police, naganap ang insidente alas-5:30 ng umaga sa harapan ng DLTB Terminal, kahabaan ng EDSA Avenue ng naturang lungsod.
Nabatid na minamaneho ng suspek ang isang kulay itim na motorsiklo na may plakang 3162-WV at habang binabagtas ang naturang lugar, namataan ito ng mga pulis na nagsasagawa ng check-point dahil wala itong suot na helmet.
Kaagad itong pinatigil ng mga pulis at dito na nagpakilalang pulis ang suspek. Sinabi pa nito na pamangkin umano siya ng isang Col. Mukalid ng Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Nagpakita pa ang suspek na may sukbit siyang baril sa kanyang beywang, subalit walang naipakitang pruweba ang suspek na isa siyang alagad ng batas kung saan nadiskubre rin na ang nakasukbit sa kanyang baril ay isang toy gun. Dahil dito kaya kaagad na dinakip ng mga pulis ang naturang suspek at sinampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10054 (driving without license), paglabag sa RA 10591, Art. 5, Section 35 (use of imitation of fire arms, illegal use of insignia).
- Latest