UDM, Bloomfield nag-MOA
MANILA, Philippines - Nagpirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) ang Unibersidad de Manila at Bloomfield College sa Manhattan, New York kung saan maaaring mag-aral ang mga estudyante at magturo ang mga guro.
Noong Huwebes nagkasundo sina UDM President Benjamin Tayabas at Peter Jeong, Vice-President for Global Program and Professional Studies para sa Joint Degree Program kung saan mailalabas pa ng mga Filipino ang kanilang husay sa pagtuturo na nagreresulta sa magaling na mag-aaral.
Si Tayabas, ay dating naÂging pangulo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na isa sa mga unibersidad na mataas ang kalidad.
Paliwanag ni Tayabas, magiging madali na sa mga dayuhang mag-aaral ng UDM ang pagpasok sa Bloomfield College kung makatatapos ang sinumang mag-aaral ng Associate in Arts o 2-year community college sa nabanggit na paaralan sa Pilipinas.
Maging ang mga Pinoy na mag-aaral ng UDM ay malaki rin ang pagkakataon na makapag-aral sa Bloomfield College kung saan tutulungan sila ng UDM na ang layunin ay makapagbigay ng ‘academic excellence’ sa lahat ng kurso.
Maging ang mga guro at empleyado ng UDM ay mabibigyan din ng pagkakataon na makapagtrabaho sa nasabing paaralan sa Estados Unidos. Malaki ang paniwala ng Bloomfield College na mahuhusay, lalo na sa larangan ng pagsasalita at pagsusulat ng English ang mga Filipino.
Nagpapasalamat naman si Kee Kim, Vice President at chief liaison officer ng UDM, dahil kabilang ang mga Koreanong mag-aaral ng UDM sa mabibigyan ng pagkakataon na makapasok at makapag-aral sa Bloomfield College.
- Latest