Asst. Supervisor ng Manila Tollway patay sa ambush
MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem ang isang bagong talagang assistant supervisor ng Manila Toll Expressway System (MATES) kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City.
Kinilala ni Sr. Supt. Allan Nobleza, hepe ng Muntinlupa City Police ang biktimang si Rodelio Umali, 42, ng Building 1-104 Sambahayan Rawis Chesa St., Tondo, Manila na nagtamo ng mga tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo at iba pang bahagi ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Richard Bagoyo, ng Homicide Section, Muntinlupa City Police, naganap ang insidente alas-4:30 ng madaling araw.
Nabatid na sakay ng kanyang minamanehong Kawasaki Rouser na may plakang 7748-TQ ang biktima at habang binabagtas nito ang Commerce Avenue ay sinusundan naman ito ng dalawang lalaking magka-angkas sa isang motorsiklo at kapwa nakasuot ng helmet.
Pagsapit sa panulukan ng East Asia Drive Avenue, Filinvest Corporate City sa Alabang, isa sa dalawa ang nagpaulan ng bala sa biktima na kaagad nahagip sa ulo at katawan at kaÂagad na bumagsak sa sinaÂsakyang motorsiklo.
Inatasan na ni Nobleza ang mga imbestigador na makipag-ugnayan sa dalawang fast food chain sa naturang lugar na may nakakabit na CCTV upang makahingi ng kuha sa nangyaring insidente.
Ayon sa pulisya, poÂsibleng may kinalaman ang krimen sa bagong trabaho ng biktima lalo na’t kapo-promote pa lamang nito bilang assistant supervisor.
Inaalam na rin ng pulisya kung may mga nasagasaang empleyado ang biktima sa kanyang promosyon.
- Latest