Brgy. Chairman na nagbaril namatay na
MANILA, Philippines - Tuluyan nang binawian ng buhay ang isang barangay chairman na nagbaril noong Huwebes sa sarili matapos na hindi makaya ang operasyon na isinagawa sa kanya, kahapon ng umaga sa University of Santo Tomas Hospital, Sampaloc, Maynila.

Dinala sa Camp Crame PNP Crime Laboratory para doon ipaawtopsiya ang bangkay ni 
Nestor Lacap, 58, ng Brgy. 509 Zone 50, residente ng #1216 E. Quintos St., Sampaloc.

Una nang natagpuang duguan ang biktima sa loob ng kanyang tanggapan sa barangay hall dakong alas-11:20 noong Mayo 22. Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng MPD-PS 4, unang nadiskubre si Lacap ng isang Ponching Flores nang sumilip siya sa loob ng barangay hall at nakita niya na may dugo sa lapag at nakaupo sa silya ang biktima na duguan katabi ang ginamit na baril.

Bunsod nito, sinabi ni Flores kay Maura Pascual ang nakita at nang sumilip din siya ay nakita ang duguang biktima kaya nagsisigaw ito at humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Hanggang sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya kung may foul play na naganap.
- Latest