Nagpapanggap na VP Binay at Puerto Princesa Mayor, tiklo sa extortion
MANILA, Philippines - Nakapiit na sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na una nang naaresto sa pagpapanggap na siya ay si Vice President Jejomar Binay at sa pagkakataong ito ay mabuko naman sa pangingikil gamit ang pangalan ni Puerto Princesa Mayor Lucio Bayron, sa mga negosyante, ayon sa ulat ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kinilala ni NBI Director Virgilio Mendez ang suspek na si Vimbi Flores Avilla, residente ng Leo St., Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ng NBI-Puerto, na pinamumunuan ni Head Agent Elizaldo Beltran, nitong nakalipas na Marso 21 ay mismong si Mayor Bayron ang naghain ng reklamo laban sa suspek na si Avilla makaraang makarating sa kaniya ang impormasyon hinggil sa panghihingi ng financial assistance ng isang nagpakilalang “Mayor Bayron†sa ilang may-ari ng establisimento sa Palawan, na idinahilan pa na ipaaayos ang Puerto Prinsesa Municipal Office.
Subalit bigo ang suspek na makakuha ng malaking halaga sa isang di pinangalanang contractor nang iberipika at matuklasan sa anak ng alkalde na hindi naman sila humiÂhingi ng financial assistance sa naÂsabing contractor at hindi kailanman tumawag dito ang kaniyang ama.
Noong Marso 20, 2014 naman ay nagpanggap uli ang suspek na siya si Mayor Bayron at nakausap ang may-ari ng Hotel Fleuris Palawan (HFP) at matapos ang pakikipag-usap, inutusan na ng negosyante ang manager ng hotel na si Analyn Canilla, na ideposito sa Metro bank ang P50,000 para sa hinihinging financial assistance.
Kinabukasan ay tumawag muli ang impostor kay Canilla para sabihin sa amo nito na padalhan muli siya ng P50-libo, bilang utang na babayaran sa loob ng isang linggo, subalit ibineripika muna sa tanggapan ng alkalde ang nasabing tawag at natuklasan na walang alam si Mayor Bayron.
Dahil dito, lumapit na sa NBI si Bayron at sa pamamaÂgitan ng ATM account kung saan idineposito ang pera, ay sinubpoena ang may-ari ng ATM na lumutang sa NBI upang sabihin na ang suspek ay nanghiram ng kanyang ATM at nagdahilan na may ipadadalang pension sa kaniyang mga magulang.
Itinuro ng may-ari ng naÂgamit na ATM account ang suspek kaya nadakip ng NBI nitong Mayo 4, 2014, sa bahay nito sa Sampaloc, Maynila.
Sa beripikasyon, nadakip na rin si Avilla noong taong 2012 ng dating NBI-Foreign LiaiÂson Division sa pagpapanggap nito na siya si VP Binay sa panghihingi ng pera kay business tycoon Lucio Tan.
Nang makasuhan at magpiyansa, nagtago na si Avilla at hindi dumalo sa hearing ng korte kung saan nagpatuloy ito sa kanyang modus operandi.
Ipinagharap na ng kasong Estafa at Attempted Estafa ang suspek.
- Latest