Maghahatid ng subpoena, itinumba
MANILA, Philippines - Isang kawani ng Muntinlupa City Regional Trial Court ang nasawi matapos itong tambangan ng hindi pa kilalang mga salarin na riding in tandem habang maghahatid sana ng subpoena ang una kahapon ng umaga sa naturang siyudad.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Lawrence Panganiban, empleyado ng Muntinlupa City RTC, Branch 256 sanhi ng tinamong ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Muntinlupa City Police, Station Investigation Branch (SIB), naganap ang pamamaslang alas-10:40 ng umaga sa kahabaan ng San Guillermo St., Purok 4, Brgy. Bayanan ng naturang lungsod habang magdadala sana ng subpoena ang biktima sa isang residente sa naturang lugar nang biglang sumulpot ang isang motorsiklong hindi naplakahan lulan ang mga suspect. Walang sabi-sabi umaÂnong pinaulanan ng bala ng baril ang biktima. Agad itong bumulagta habang mabilis namang tumakas ang mga suspect.
Sa ngayon ay inaalam na ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng taong pagdadalhan sana ng subpoena ng biktima na posibleng makapagbigay ng positibong lead sa insidente.
Isa sa mga anggulong tinitingnan nila ngayon ay ang trabaho nito bilang kawani ng korte habang nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa insidente.
- Latest