Ex-con binigti, bago isinilid sa drum
MANILA, Philippines - Hinihinalang biktima ng summary execution ang isang ex-convict makaraang matagpuan ang bangkay nito na nakasiksik sa isang drum na iniwan sa gilid ng kalsada sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Nakilala ang biktima na si Regie Fajardo, 27, ng M. Naval St., Sipac Almacen, ng naturang lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO3 Romel Bautista, alas-10 ng umaga nang matagpuan ang bangkay na nakasilid sa drum sa may Pampano St., sa lungsod.
Agad namang rumesponde ang mga pulis sa insidente hanggang sa lumutang ang isang Loveness Villanueva at kinilala ang bangkay na kanyang live-in partner.
Nabatid pa sa imbestigasyon na huling nakitang buhay ang biktima dakong ala-1:30 ng hapon noong Mayo 4 na naglalakad kasama ang isa pang kinakasama nitong babae na nakilala sa pangalang Regine, ng Bangkulasi, Navotas.
Lumalabas rin na dati nang nakulong si Fajardo sa Navotas City Jail dahil sa kasong attempted murder at physical injury. Nakalaboso ito ng higit dalawang taon bago nakalaya.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung sino ang nasa likod ng pamamaslang na may marka nang pagkabigti bago isiniksik sa drum.
- Latest