Buhawi nanalasa sa Munti: 55 pamilya naapektuhan
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 55 pamilya ang nawalan ng tirahan sa pananalasa ng malakas na buhawi kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.
Base sa report na natanggap ni Tess Navarro, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Muntinlupa City Hall Office, naganap ang insidente pasado ala-1:00 ng hapon sa Southville 3, NBP Compound Reservation, Brgy. Poblacion ng naturang lungsod.
Walang kamalay-malay ang mga residente nang humampas ang malakas na tornado o buhawi sa naturang lugar, nagresulta upang magtanggal ang bubungan ng bahay ng may 55 pamilya.
Ayon sa tanggapan ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, nagpasa ng isang ordinansa ang kanilang konseho bilang tulong pinansiyal sa mga naapektuhang pamilya.
Base sa Ordinance Number 14-049, nabatid na magbibigay ng halagang P3,000 sa bawat isang pamilya ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa upang may magamit ang mga ito na maibalik ang mga bubuÂngan na natanggal dahil sa tornado.
Bukod sa tulong pinansiyal, magbibigay din sa mga naapektuhang pamilya ng tig-kakalahating sako ng bigas.
Nakasaad pa rin sa ordinansa, na irerekomenda ng Social Welfare and DeveÂlopment Office (SWDO) na ideklarang state of calamity ang lugar na naapektuhan ng tornado.
- Latest