Negosyanteng Chinese, timbog sa checkpoint
MANILA, Philippines - Isang negosyanteng Chinese ang inaresto matapos nitong paharurutin ang minamaneho nitong sasakyan sa halip na tumigil ito sa isang checkpoint malapit sa isang five-star hotel na tinutuluyan ni US President Barack Obama, kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Kinilala ang suspek na si Arvy Li, 29, na may Chinese name na Don Lunsheng.
Base sa report na natanggap ng Pasay City Police, naganap ang insidente ala-1:45 ng madaling araw sa panulukan ng Vicente Sotto at Dela Rama Sts. sa harapan ng Philippine International Convention Center (PICC) malapit sa Sofitel Hotel ng naturang lungsod kung saan tumuloy si Obama.
Nabatid na may pinatutupad na checkpoint ang pulisya sa naturang lugar kaugnay nang pagbisita ni Obama sa bansa at dito namataan ng mga pulis ang isang kulay silver na sasakyan (XLW-587) na minamaneho ng naturang suspek.
Sa halip na itigil ang sasakyan para sa checkpoint, biglang pinaharurot ito ng suspek hanggang sa binangga pa nito ang barikada ng pulisya.
Nabatid na kasama ng suspek ang isang nagngangalang Sheena na ihahatid lang sana nito pauwi kaya’t plano nitong dumaan sa Macapagal Avenue.
Iginiit ng suspek at ng kasama nito na hindi nila alam na malapit doon ang hotel na tinutuluyan ni Obama. Nahalata ng mga pulis na ang suspek ay nasa impluwensiya ng alak, na ngayon ay nahaharap ito sa kasong disobedience to authority at disregarding arrest.
- Latest