Mahigpit na seguridad, ipatutupad sa Taguig ngayong Semana Santa
MANILA, Philippines - Paiigtingin ng Pamahalaang lungsod ng Taguig at ng pulisya ang seguridad sa lungsod ngayong Semana Santa.
“Ngayon ay panahon ng pagninilay-nilay. Atin ding tinatanggap na ngayon ang panahon kung kailan ang mga tao ay nagsisibalikan sa kanilang mga lalawigan para makapiling ang kanilang mga pamilya at mga kamag-anak para samantalahin ang mahabang bakasyon. Dahil diyan, magpapatupad kami ng mga hakbangin upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente, mga manlalakbay at mga turista sa panahong ito,†pahayag ni Mayor Lani Cayetano.
Ayon kay Senior Superintendent Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig PNP, magtatalaga sila ng karagÂdagang mga tauhan sa mga matataong lugar, gayundin sa mga lugar kung saan maÂaaring umatake ang mga masasamang loob.
“Inaasahan ang pagdagsa ng tao sa mga terminal ng bus at sa mga pangunahing lansangan lalo na at magbabakasyon ang karamihan ngayong mahal na araw. Maglulunsad ang Taguig Police ng agresibong police security operations at magpapakalat din ng maraming traffic enforcer sa aming nasasakupan,†pahayag ni Asis.
Idinagdag pa ni Asis na magsasagawa sila ng round-the-clock na pagpapatrulya upang mapangalagaan ang mga residential area at ang mga lugar kung saan may malaking bilang ng populasyon.
Magkakaroon din ng Public Assistance Centers (PACs) at ng Lakbay Alalay Motorist Assistance Centers para sa mabilis na pagresponde sa sandaling magkaroon ng mga aksidente sa lansangan.
“Walang dapat ikabahala ang mga manlalakbay at mga turista dahil ginagawa namin ang lahat para maging payapa ang Semana Santa at walang mangyaring hindi kaaya-aya,†sabi ni Mayor Lani.
- Latest