2 Tsinoy huli sa 10 kilo ng shabu
MANILA, Philippines - Dalawang Filipino-Chinese ang dinakip ng mga miyembro ng Manila Police District-Station 11 matapos makuha sa dala-dala nilang mga maleta ang may 10-kilo ng shabu sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga suspek na sina John Chua Sy, residente ng Cordero St., Valenzuela City at Anthony Ang Sy, ng P. Sevilla St., 8th Avenue, Caloocan City.
Sa ulat ni Supt. Raymund Liguden, hepe ng MPD-Station 11, nasita ang mga suspek dakong alas-5:00 ng madaling-araw ng mga tauhan na sina PO2 Francisco Manago at PO2 Richard Sibayan dahil sa akto ng paninigarilyo ng marijuana, sa isang eskinita, malapit sa presinto.
Nabatid na may nag-tip lamang sa mga pulis hinggil sa presensiya ng dalawang lalaki na humihithit diumano ng marijuana sa kalye, kaya nang respondehan ay agad silang nirikisa at pinabuksan ang hila-hilang tig-isang luggage na kulay pula at maroon.
Tumambad sa mga awtoridad ang mga nakasilid sa plastic, nakabalot pa sa foil at packaging tape, na pinaniwalaang shabu, na tig-5 kilo ang laman ng bawat maleta.
Nakumpiska rin ang ilang marijuana sticks na personal na ginagamit ng mga suspek.
Depensa ng mga suspek ay napag-utusan lamang sila na dalhin sa airport ang mga maleta na hindi nila alam ang nilalaman.
Nang tanungin si Liguden kung bakit nasa P118 milyon ang kada-kilo ng shabu, sinabi niya na: “Ang nagbigay ng presyo niyan ay mismo ang Dangerous Drugs Board, maaaring high-grade talaga yung nakumpiskang shabu.â€
- Latest