Naligo sa Manila Bay, sekyu dedo sa lunod
MANILA, Philippines - Dahil sa matinding init ng panahon napilitang maligo kahit ipinagbabawal ang isang security guard sa Manila Bay kung saan siya nalunod sa bahagi ng Baseco Compound sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Freddie Castor Jr., tinatayang nasa edad 35-40-anyos at residente ng Pitogo, Makati City. Siya ay natagpuang patay sa maputik na bahagi ng Manila Bay sa Baseco ilang oras matapos itong maligo.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:00 ng gabi kamakalawa nang makitang nagtungo sa dagat upang mag-swimming ang biktima malapit sa Block 8, Baseco, Compound.
Ayon kay Rafael Ajero, 25, nagpapahinga umano siya kasama ang mga kaibigan sa may tabing dagat nang dumating ang biktima na nakasuot ng sando at short at lumangoy sa dagat nang mapansin umano ni Ajero na parang nalulunod ang biktima ay sinakyan niya ang isang improvised banca at tinangkang bigyan ng salbabida ang biktima subalit hinawi ito at ayaw tanggapin diumano.
Bumalik na sa mga kaibigan si Ajero at makalipas pa ang ilang minuto ay hindi na umano makita ang biktima.
Dakong alas-12:00 ng hatinggabi nang makita ang bangkay ng biktima sa maputik na bahagi ng Manila Bay.
Ayon kay Vallejo, walang anumang sugat sa katawan ang biktima bagamat iimbestigahan pa rin kung nagkaroon ng foul play.
- Latest