Shuttle bus nahulog sa skyway driver, 8 pa sugatan
MANILA, Philippines - Sugatan ang driver ng isang shuttle bus na service ng mga kawani ng Skyway Management nang mahulog ito sa naturang tulay nang salpukin ito ng isang Sport Utility Vehicle (SUV) at sugatan din ang walong sakay nito kahapon ng umaga sa boundary ng Parañaque at Taguig City.
Nilalapatan ngayon ng lunas sa Taguig-Pateros District Hospital ang driver ng Skyway Management na si Alan Nopal, 34, nagtamo lamang ito ng minor injury.
Samantala, ang sakay naman ng itim na Toyota Fortuner, na may plakang UXQ-851 na nakilalang si Camille Capile, 21, ay nagtamo
ng sugat sa ulo habang ang pitong kasamahan nito ay nagtamo naman ng mga pasa sa katawan at dinala ang mga ito sa pinakamalapit na ospital para sa paunang lunas.
Ayon kay Gen. Louie Maralit, hepe ng Skyway Management and Security Division, naganap ang insidente alas-5:17 ng umaga sa tapat ng Sun Valley, Bicutan.
Nabatid na nahulog ang shuttle bus na galing sa elevated portion ng Skyway sa naturang lugar nang mawalan ng preno ang driver nitong si Nopal matapos banggain ng Toyota Fortuner.
Dahil sa aksidente ay nasira ang railings sa Skyway at tinatayang nasa 10 hanggang 15 talampakan ang taas nang kinabagsakan ng naturang shuttle bus. Wasak na wasak naman ang harapan ng naturang SUV at ang walong sakay nito ay pauwi na sa Laguna matapos manggaling sa Baguio nang maganap ang aksidente.
Sa pahayag ng driver ng shuttle bus, sumabog umano ang gulong na isa rin sa dahilan nang pagkahulog nito.
Aalamin din kung nasa impluwensiya ng alak ang driver na si Nopal at nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.
Matatandaan, na noong Disyembre 2013 lamang nang mahulog sa Skyway ang Don Mariano Bus na ikinasawi ng 20.
- Latest