Driver utas sa ambush
MANILA, Philippines - Isang lalaki ang patay makaraang pagbabarilin ng pitong armadong kalalakihang sakay ng mga motorsiklo, habang ang una ay nagmamaneho ng isang Starex van sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Si Basco Ocampo, 42, ay nagawa pang maitakbo sa ospital, subalit idineklara ring dead on arrival dahil sa isang tama ng bala sa dibdib, ayon kay PO2 Rhic Pittong, imbestigador.
Natukoy naman ng mga awtoridad base sa pagkakakilanlan ng mga testigo ang isa sa mga suspek, subalit pansamantalang hindi ibinigay ang pangalan nito dahil sa on-going operation.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Kaunlaran St., malapit sa panulukan ng Dapitan St., Brgy. Sta Teresita, ganap na alas-7:20 ng gabi.
Bago ito, minamaneho ni Ocampo ang isang kulay itim na Starex van (TXI-732) sakay sina Angelito dela Peña, at Renato Ceylon, papauwi sa Marilao, Bulacan nang pagsapit sa lugar ay sumulpot ang apat na motorsiklo at harangin sila.
Dahil sa banta sa kanilang buhay, inutusan ni Dela Peña si Ocampo na dumiretso, pero pinaputukan na sila ng mga suspek ng sunud-sunod sanhi para tamaan ang biktima.
Matapos ang pamamaril, agad na nagsipagtakas ang mga suspek patungong Dapitan St. Rumisponde naman agad ang mga barangay tanod sa lugar at itinakbo ang biktima sa Sta Teresita Hospital, subalit idineklara din itong dead-on-arrival.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) narekober sa lugar ang dalawang basyo ng kalibre .45 at isang piraso ng kalibre .9mm na baril. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest