Kasambahay tupok sa sunog
MANILA, Philippines - Halos maabo na ang bangkay ng isang 25-anyos na kasambahay sa halos isang oras na sunog na naganap sa Makati City kahapon ng madaling araw.
Halos hindi makilala ang bangkay ng biktimang si Christine Zia nang matagpuan ito sa naabong bahay sa Agot Compound, panulukan ng Gen. Jacinto at Gen. Luna Sts., Brgy. South Cembo ng naturang lungsod pasado alas-5:00 ng umaga.
Samantala, pitong pamilya rin ang nawalan ng tirahan sa naganap na sunog.
Ayon kay Makati City Arson Investigation chief, Senior Inspector Tito Purgatoryo, nagsimulang sumiklab ang apoy alas-3:24 ng madaling araw at mabilis na kumalat sa mga katabing kabahayan.
Sinabi ni Purgatoryo na nakalabas na sa nasusunog na bahay ang biktima, subalit muli itong bumalik sa tindahan na pag-aari ng kanyang among si Joseph Pabula upang kunin ang iba pa niyang gamit hanggang ma-trap ito sa loob.
Sa inisyal na pagsisiyasat lumalabas na ang sunog ay sumiklab dahil sa nag-over heat na wall fan.
Tinatayang aabot sa may P3 milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo sa naturang sunog.
- Latest