Presyo ng gasoline, diesel tumaas uli
MANILA, Philippines - Panibagong pasakit sa mga motorista ang magkakasabay na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo ng mga kompanya ng langis kahapon ng umaga.
Pinangunahan ng Petron Corporation at Pilipinas Shell ang pagtataas ng P1 kada litro ng premium at unleaded gasoline habang P0.40 sentimos sa kada litro ng diesel at P0.25 sentimos naman sa kada litro ng kerosene.
Base sa pinadalang text messages ni Iris Reyes ng Total Philippines na nagpatupad din sila ng kahalintulad na pagtataas sa presyo ng dalawa nilang produktong gasoline at diesel.
Sumunod naman sa nagtaas din ng presyo sa mga produktong petrolyo ay ang maliliit na kompanyang Ptt, Unioil, Flying V at Seaoil na ipinatupad kahapon ng tanghali.
Sa magkahiwalay na text messages nina Raffy Ledesma, strategic communications manager ng Petron at Ina Soriano ng Pilipinas Shell, nakasaad na ang paggalaw sa presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay resulta para magtaas ng presyo ang mga lokal na kompanya.
Bagama’t may mga kompanya ng langis na hindi pa nag-aanunsiyo ng pagtataas sa presyo ng mga produkto, inaasahan na rin na magpapatupad din ang mga ito ng price increase.
- Latest
- Trending