12 pares ng pulis ikinasal sa Camp Crame
MANILA, Philippines - Pusong bato mang naturingan kontra sa mga elementong kriminal, 12 pares ng mga pulis ang nagpakasal sa mass wedding na ginanap kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso sa Camp Crame kahapon.
Ang mass wedding ay ginanap sa St. Joseph Chapel sa Camp Crame na isinagawa ni Reverend Bernardino Cortez, Auxiliary Bishop ng Archdiocese of Manila na inorganisa ng PNP Chaplain Service (CHS) sa ilalim ng pamumuno ni Sr. Supt. Deody Barret, Director ng PNP-CHS.
Ayon kay P/Director Marcelo Garbo, PNP Directorial Staff, ang seremonya at reception ng mga bagong kasal na pulis ay inisponsor ni PNP Chief P/Director General Alan Purisima at ng PNP Command Group bilang kaalinsabay sa Araw ng mga Puso.
Sinabi ni Garbo may sampung taon ng isinasagawa ang mass wedding ng mga pulis hindi lamang sa Camp Crame, ang punong himpilan upang higit pang mapagtibay ang pagsasama ng mga kinauukulan sa mata ng Diyos sa halip na mag-live-in lamang.
Isa naman sina Sr. Supt Romulo Esteban at Gng. Yolanda Esteban mula sa Directorate for Personnel Records Management ng Police Regional Office 5 na nagdiriwang ng kanilang ika-25 taong pagsasama ang kabilang sa nabiyayaan sa naturang mass wedding .
Sinabi naman ni Chief Supt. Theodore Reuben Sindac na bawat isang pares sa mga bagong kasal na pulis ay tatanggap ng cash gifts na pang-Valentine’s date at pang- honeymoon ng mga ito mula sa liderato ng PNP.
- Latest