Security agency ng Forbeswood kinasuhan ng Taguig Police
MANILA, Philippines - Pormal nang kinasuhan ng Taguig City Police ang security agency ng Forbeswood Heights Condominium kung saan nabugbog ang actor-TV host na si Vhong Navarro sa Department Of Justice (DOJ).
Sa complaint affidavit ng Taguig City Police sa pangunguna ng kanilang hepe na si Senior Supt. Arthur Felix Asis na isinumite sa DOJ, paglabag sa Republic Act 5487 o Private Security Agency Law at Presidential Decree 1829, obstruction of justice ang isinampa nila laban sa Megaforce Security Services.
Kabilang sa mga kinasuhan ay sina Roderick Garbin, chief security ng Megaforce Security Services; mga guwardyang sina Jeffrey Veniegas; Romeo Nevado Jr.; Maximo Maregildo, Investigation head; at ilan pang John Does.
Nakasaad sa reklamo ng Taguig City Police na nagkaroon ng paglabag ang Megaforce Security Services, dahil hindi sila kaagad nakipag-unagnayan at nakipagtulungan hinggil sa insidente nang panggugulpi kay Navarro ng tropa nina Cedric Lee at Deniece Cornejo noong Enero 22.
Gayundin sa insidente na inaakusahan ni Cornejo si Navarro na tinangka umano siyang halayin nito na naganap rin aniya mismo sa naturang condo unit.
Ayon sa Taguig City Police, nalaman pa nila ang insidente sa media, na dapat aniya responsibilidad ng mga guwardya na kaagad ipagbigay alam sa mga awtoridad ang mga nagaganap sa kanilang binabantayan.
Dahil dito hindi nai-preserve ang mga ebidensiya, na malinaw aniya na paglabag sa batas. Sinasabi pa rin sa reklamo ng Taguig City Police na noong Enero 25 nang magpunta ang mga pulis para imbestigahan ang inÂsidente, hindi rin nakipagtulungan ang mga guwardya ng Megaforce at itinanggi pa nila na may naganap na bugbugan sa naturang lugar.
- Latest