Holdaper utas sa parak
MANILA, Philippines - Isa sa dalawang holdaper ang patay, makaraang mabaril ng isang bagitong pulis na sumaklolo sa isang pasahero na tangkang saksakin ng una, matapos tumangging ibigay ang kanyang gamit sa loob ng isang pampasaherong bus sa kahabaan ng EDSA, lungsod Quezon, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang nasawing suspek na si Liberato Magno, 21, binata ng San Roque 2, Bgy. Pagasa sa lungsod.
Ayon kay PO2 Louie Serbito, may-hawak ng kaso, si Magno ay kabilang sa dalawang armadong lalaki na nangholdap sa pampasaherong bus na Baclaran Metrolink (UYD-772) at biyaÂheng UE Letre-Baclaran.
Nabaril si Magno ng pulis na si PO1 Christian Santos, nakatalaga sa Northern Police District-Malabon City Police station 5 at kabilang sa mga pasahero ng bus.
Nangyari ang insidente sa loob ng bus sa kahabaan ng EDSA, Kilyawan sa harap ng Phil-Am Homes, Bgy. Pag-asa, ganap na alas 12:20 ng madaling-araw.
Bago ito, si PO1 Santos kasama ang ilang kaanak ay sumakay sa naturang bus sa bahagi ng Edsa-Cubao nang sumakay din ang mga suspek sa may loading area ng EDSA, Cubao at Aurora Blvd. at nagkunwaring pasahero.
Sabi ni PO2 Serbito, binabagtas ng bus na minamaneho ni Ronnie Corido ang EDSA pa northbound at pagsapit sa EDSA-Kilyawan ay biglang tumayo ang isa sa mga suspek at nagdeklara ng holdap, gamit ang patalim.
Dito ay pinahinto ng mga suspek ang driver hanggang sa bumukas ang pinto ng bus, at sinimulan ng mga una na limasin ang mga gamit ng mga pasahero.
Pagdating sa pasaherong si Jemalyn Bercasio at kinukuha ang kanyang gamit ay pumalag ito, dahilan para tutukan siya ng patalim ng suspek. Nang akmang sasakÂsakin ng suspek si Bercasio ay napilitan na si PO1 Santos na kunin ang kanyang baril at paputukan ang suspek sa katawan.
Kahit sugatan ang holdaper ay nagawa pang makatakbo nito at ng kanyang kasama, pero tumumba din sa tabi ng kalsada ang una na kalaunan ay nakilalang si Magno.
Habang natangay naman ng isang kasamahan ni Magno ang iba pang gamit ng pasahero. Narekober din ng awtoridad sa lugar ang isang kitchen knife at isang icepick na sandata ng mga suspek.
Kusang isinuko din ni Santos sa awtoridad ang kanyang baril na Glock 17.
- Latest