MMDA inireklamo sa film fest fund
MANILA, Philippines - Inireklamo kahapon ng pamunuan ng Film Academy of the Philippines (FAP) sa Quezon City Prosecutor’s Office ang Metropolitan Manila Film Festival (MMFF) Committee na pinamumunuan ni MMDA Chairman Francis Tolentino at ang National Cinema Association of the Philippines (NCAP) dahilan sa anila’y maling pangangasiwa sa amusement tax ng film fest sa bansa.
Sa kanilang 13 pahinang petisyon, iginiit ng FAP na dapat ipalabas ng MMFF ang P82, 787,440.79 na balanse sa amusement tax na kinita sa mga pelikula sa ginawang Film Fest mula taong 2002 hanggang 2008 na may kabuuang halagang P216,610,347.69 para mapakinabangan ng kanilang mga benepisyaryo. Sinasabing sa naturang pondo ay 60.40 percent o P130,383,333.33 lamang ang naipalabas ng MMFF para sa mga benepisyaryo batay sa report ng Commission on Audit (COA)
Ayon kay Atty. Ariel Inton, abogado ng FAP at represenÂtative ni FAP Director General Leo Martinez, may ibat-ibang paglabag sa batas at regulasyon sa naganap na disbursement at pamamahala ng naturang pondo. Bukod dito ay hindi naman nakatanggap ng pondo mula sa nalikom na pondo mula sa amusement tax ang maraming bilang ng mga benepisyaryo nito.
Sinasabi ng Fraud Audit and Investigation Office-Legal Service Sector ng COA na ang mga theater owners, proÂprietors o lessees ay delay sa kanilang remittance para sa amusement taxes mula sa kanilang nakolekta sa 1,513 araw habang ang MMFF Executive Committee ay bigo namang ipatupad ang section 5 ng MMC Executive Order 86-09 na nag- uutos sa mga theater owners na mag-remit ng amusement tax sa loob ng 20 araw makaraan ang huling araw ng festival.
Sinasabi ng FAP na batay sa implementing rules and reÂgulations (IRR) hinggil dito, ang 50 percent ng proceeds ng film festival ay ilalaan sa MOWELFUND, 20 percent sa FAP, 20 percent sa Motion Picture Anti Film Piracy Council (MPFAPC), 5 percent sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) at 5 percent to the Optical Media Board (OMB).
Sinabi pa ni Inton na dapat ding makatanggap ng share mula sa kinita ng MMFF ang mga benepisyaryo na nasa labas ng Metro Manila dahil ang 50 percent ng kita nito ay nagmula sa mga sinehan sa mga probinsiya.
Noong 1975 ang MMFF ay inorganisa para makalikom ng pondo at para suportahan ang pangangailangan ng mga movie workers na pawang miyembro ng MOWELFUND.
Ang MOWELFUND ang siyang namamahala sa film fest noon hanggang sa malipat ang pangangasiwa rito sa Metro Manila Commission noong 1986.
- Latest