5 miyembro ng robbery/holdup gang, timbog
MANILA, Philippines - Nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District ang limang kilabot na miyembro ng robbery/holdup gang maÂtapos ang isinagawang follow-up operation ilang oras matapos na mag-teks sa isa nilang kasamahang naaresto ng biniktima nilang isang bagitong pulis sa lungsod, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon pa kay P/Supt Pedro Sanchez, hepe ng Quezon City Police station 2, nakilala ang mga nadakip na suspek na sina Joven Pantropes, 25; Resty Hopio, 23; Ehzier Fotuna 36; Jill Ryan Ibardaloza, 35; at Michael Dela Cruz 30.
Natunton ang mga suspek sa follow-up operation makaraang unang mahuli ni PO1 Liberato Antang na nakatalaga sa Special Action Force (SAF) sa Canlubang, Laguna, ang isa sa mga nangholdap sa kanya na si Pantropes.
Sa salaysay ni Antang, nangyari ang panghuholdap sa kanya habang siya ay sakay ng isang pampasaherong jeep kasama ang anim na suspek na nagkunwaring mga pasahero at tinaÂtahak ang kahabaan ng West Avenue, Brgy. West TriangleÂ, ganap na ala-1:20 ng hapon.
Hindi pa umano sila nakakalayo ay naglaglag ang mga suspek ng barya hanggang sa hinila umano ng isang suspek na nasa kanyang harapan ang kanyang paa, habang kinakapa naman ng nasa tabi niya ang kanyang bulsa.
Nang maramdaman ng mga suspek na nalaman ng pulis ang kanilang modus operandi ay agad siyang tinutukan ng patalim ng isa sa mga una na kalaunan ay nabatid na si Pantropes, sabay hingi ng kanyang wallet.
Dahil sa walang dalang baril, kusang ibinigay ni Antang ang kanyang wallet, hanggang sa magsipagbabaan na ang mga suspek. Ngunit hindi pa nakakalayo ang mga suspek ay nagpasyang habulin sila ni Antang hanggang sa maabutan si Pantopes at nadakip.
Sa isinagawang interogasyon ay ikinanta ni Pantropes ang pinagtataguan ng kanyang kasamahan na nasa South Homes Apartelle sa Timog Avenue. Sabi ni Sanchez, malaki ang tulong na nagawa ng cell phone para madakip ang mga kasamahan ng suspek dahil nag-teks ang mga ito kay Pantropes na magkita-kita sila sa nasabing apartelle matapos ang panghuholdap upang doon paghati-hatian ang kanilang nakulimbat.
Isinagawa ang operasyon kung saan nadakip ang apat pang suspek na tatlong araw na umanong nagkukuta sa loob ng apat na kuwarto rito. Nakatakas naman ang sinasabing lider ng grupo na kinilala lamang sa tawag na ‘Kuya’.
Narekober sa mga suspek ang dalawang kutsilyo, apat na cell phone at ang wallet ng biktimang pulis na naglalaman ng 7 libong piso, mga drug paraphernalia at mga bag ng babae na wala ng laman na galing daw sa huli nilang mga nabiktima noong Sabado.
- Latest