Cuya rob group umatake, 2 dentista hinoldap
MANILA, Philippines - Tila bigo pa rin ang awtoridad na pigilan ang pamamayagpag ng kilabot na Cuya robbery gang matapos na muling umatake ang mga ito at holdapin ang dalawang dentista at tangayan ng mamahaling gamit sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police Station 2, ang latest na biktima ng grupo ay sina Raul Jimenez, 47, at Christina Velasco, 52, kapwa dentista at residente sa Cottage 2 A, PNR P. Burgos, Caloocan City.
Natukoy na ang grupo na siyang nangholdap sa mga biktima nang makita sa rogue gallery ng pulisya ang mga larawan ng mga suspect na sina Jonathan Cuya, alias “Don Don†ang lider ng grupo at miyembrong si Raymond Reyes, mga residente sa Sto. Cristo St., Brgy., Balingasa, QC. May dalawa pa silang kasama nang isagawa ang panghoholdap ayon pa sa ulat.
Ayon kay SPO1 Tirso A. Dela Cruz Jr., ang natangay sa biktimang si Jimenez ang isang gold necklace (P18,000), isang gold bracelet (P32,000), dalawang singsing (white at gold P15,000), dalawang mobile phones (P7,700), PRC ID, ATM at Credit Card habang gold rings (P7,700), isang gold necklace (P45,000), isang Samsung touch screen (P10,000), isang Lacoste wristwatch (P15,000), IBP ID, Drivers license ID, Health center card at calling card naman kay Velasco.
Nangyari ang insidente ganap na alas-11:30 ng umaga sa may harap ng Toyang vulcanizing shop, Bukidnon St, Brgy. Alicia sa lungsod. Sinasabing nagpapalit nang gulong ng kanilang sasakyan ang mga biktima sa lugar nang sumulpot ang mga suspect na sakay ng motorsiklo.
Agad na tinutukan ng baril ng mga suspect ang mga biktima saka pinagkukuha ang gamit ng mga ito. Hindi pa nakuntento, hinataw pa ng baril ng isa sa mga suspect sa ulo si Jimenez, bago sumakay sa kani-kanilang motorsiklo at nagsipagtakas patungong EDSA corner Congressional Avenue.
Ang Cuya robbery-holdup gang ay matagal nang tinutugis ng QCPD dahil sa serye ng pag-atake nila sa mga kabahayan at sa mga nagwi-withdraw sa bangko sa lungsod. Kamakailan lang ay sinampahan ng kaso ng QCPD ang grupo dahil sa panghoholdap sa heneral ng Bureau of fire Protection.
- Latest