Suspects sa NAIA ambush, kinasuhan
MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong kriminal ng Southern Police District at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga suspek sa pamamaslang kay Labangan, Zambonga del Sur Mayor Ocol Talumpa at sa tatlong iba pa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Apat na bilang ng kasong murder, at limang bilang ng frustrated murder ang isinampa sa Pasay City Prosecutor’s Office laban sa gunman na nakilalang si Marrox Amlong at ilan pang hindi kinilalang suspect. Nabatid naman na si Amlong ay kilalang bodyguard ni dating Labangan Mayor Wilson “Kitty†Nandang.
Bukod kay Mayor Talumpa, nasawi rin sa pamamaril ang misis nitong si Lea, pamangkin na si Saripundon Talumpa at 18- buwang gulang na paslit na si Philip Tomas Lirazan.
Sinabi ni SPD Director, Chief Supt. Jose Erwin Villacorte na kabilang sa tumatayong complainant sa kaso ang mga kaanak ni Talumpa kabilang ang anak na si Rayyam.
Ikinukunsidera naman ng binuong Task Group ang pagpapalabas ng reward money para mapabilis ang pagdakip sa suspek na si Amlong.
Isa sa bodyguard naman ni Talumpa ang positibong kumilala kay Amlong na siyang gunman sa naturang krimen. Tahasang kinilala naman ni Rayyam si Nandang na siya umanong utak sa pamamaslang sa kanyang ama dahil sa matagal nang labanan sa politika.
Naniniwala si Rayyam na ang kampanya ng kanyang ama laban sa iligal na droga sa bayan ng Labangan ang dahilan ng pagpapapatay sa kanya.
- Latest