MANILA, Philippines - Isang Chinese national ang inaresto ng mga tauhan ng Pasay City police matapos mahulihan ng sangkaterbang baril, bala at granada sa loob ng minamanehong sasakyan sa bisinidad ng isang casino sa naturang lungsod, kamaÂkalawa ng gabi.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director Jose Erwin Villacorte ang suspek na si Jerry Sy, 46-anyos.
Sa inisyal na ulat ng Station Investigation and Detective Management Section, unang nagkagulo sa Aquino Joint ng Resorts World Manila makaraang habulin ng saksak ni Sy ang isang Fil-Chinese na kostumer ng casino na si Joseph Ang, 58.
Agad na rumesponde ang mga pulis na nakatalaga sa naturang lugar. Nang habulin si Sy, nalaglag ang magazine ng bitbit nitong baril hanggang sa makubkob siya.
Nang inspeksyunin ang sasakyan nitong puting Honda Accord, dito natagÂpuan ang sari-saring armas na kinabibilangan ng limang baril, silencers, dalawang anti-riot smoke grenade, tatlong granada, isang taser gun, iba’t ibang bala, martilyo, palakol, mga jungle knife, spike sa gulong ng kotse at stun gun. Isang pakete rin na naglalaman ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa suspek.
Hindi pa malinaw kung bakit pinagtangkaan ni Sy ang buhay ni Ang at kung planado ito. Inaalam rin kung miyembro ng isang sindikato ang suspek at kung saan gagamitin ang nakumpiskang mga armas.
Nahaharap naman ngayon ang suspek sa patung-patong na kasong , frustrated homicide, illegal possession of firearms, ammunitions, explosives and deadly weapons at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakikipag-ugnayan rin ngayon ang pulisya sa Bureau of Immigration kung may legal na dokumento si Sy para makapasok sa Pilipinas.