QC gov’t namahagi ng 100-bangka sa Leyte
MANILA, Philippines - Upang may mapasimulang hanapbuhay ang mga mangingisdang biktima ng bagyong Yolanda ay nagkaloob ang QC government ng 100-bangkang de-motor sa mga mangingisda sa bayan ng Tolosa Leyte.
Sa pahayag ni QC Mayor Herbert M. Bautista na bukod sa mga motorized banca ay tutulungan din ng lokal na pamahalaan ang Tolosa na mapaglaanan ng ilang livelihood assistance sa pamamagitan ng pagkakaloob ng training sa mga residente para mapapagkakitaan at kaunting capital na mapapagsimulan.
Una nang nagtungo si Mayor Bautista kasama ang ilang lokal na opisyal sa bayan ng Tolosa kung saan namahagi ng relief items kabilang na ang generator sets, solar lighting, charging system, construction tools at iba pa.
Kabilang din sa planong naitulong ng QC government sa Tolosa ang pagpapatayo ng public buildings tulad ng municipal hall, rural health center at legislative building.
Ganitong tulong din ang naipagkaloob ng QC government sa bayan ng Sta. Fe, Leyte na tinanggap naman ni Mayor Ramon Monteza.
Kaugnay nito, personal namang dinala ni QC Vice Mayor Joy Belmonte kay Palompon Mayor Ramon Oñate ang check donation ng QC sa nabanggit na bayan na nagkakahalaga ng P6.1 milyon.
- Latest