Kelot nagbaril sa sarili, dedo

MANILA, Philippines - Nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili ang  isang 22-anyos na lalaki  sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City kahapon ng  umaga. Kinilala ang nasawi  na si Sachary Buencamino, ng Unit 7-B 7 Floor Millionaire Suite, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Si Buencamino ay nagtamo ng isang tama ng bala ng kalibre .40 cal. na baril sa kanyang leeg na tumagos sa kanyang ulo. Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) naganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima dakong alas-5:00 ng umaga. Sinabi sa ulat na habang mahimbing na natutulog ang mga kasama sa bahay ng biktima nang makarinig  ng isang putok ng baril mula sa sala  ng kanilang bahay.

Agad tinungo ang pinagmulan ng putok at dito nakita ang duguan at nakahandusay na   biktima. Agad pang isinugod sa pagamutan si Sachary ngunit hindi na ito umabot pang buhay.

Sinisiyasat pa ng mga awtoridad ang motibo at dahilan ng pagpapakamatay ng biktima.

 

Show comments