Binatilyo tinarakan sa mismong holding area ng DSWD
MANILA, Philippines - Isang binatilyo ang nasa kritikal na kondisyon matapos itong saksakin ng kapwa nito binatilyo sa loob ng holding area ng Department of Social Welfare and Development sa Navotas City kahapon ng umaga.
Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng saksak sa katawan ang biktimang si Kevin Batancilla, 17, ng Brgy. North Bay Boulevard South ng naturang lungsod.
Nasa custody na ng naturang tanggapan ang suspek na si Arnel Villanueva, 17, ng Bagoc, Brgy. Daang-Hari ng naturang lungsod.
Base sa report ng pulisya, alas-7:50 ng umaga nang saksakin ng suspek ang biktima sa loob ng holding center ng DSWD sa Navotas City Police Station, Sipac-Almacen ng naturang lungsod.
Lumalabas na may dating alitan ang biktima na nakulong dahil sa kasong robbery hold-up at suspek na nakulong dahil naman sa kasong frustrated murder.
Sinuspinde naman ang pitong bantay sa holding area at nakatakdang sampahan ng kasong negligence of duty.
- Latest