Tigil-pasada ikinasa, bukas
MANILA, Philippines - Ikinasa ng transport group na Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang malawakang tigil-pasada bukas, araw ng Biyernes bilang protesta sa umano’y walang humpay na pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay ACTO President Efren de Luna, magsasagawa sila ng pagkilos upang ipaÂrating sa pamahalaan ang pahirap na dulot sa kanila ng sunud-sunod na pagtataas ng halaga ng diesel na siyang gamit ng mga passenger jeepney.
Anya, kung noong una ay 50 sentimos na provisional increase ang hiling ay nais nila ngayong dagdagan ng P2 ang singil sa pasahe sa jeep o magiging P10 ang minimum fare. Sa kasalukuyan ay P8 ang minimum fare sa jeep.
Kahapon ay nagtaas na naman ng P1.35 kada litro ang halaga ng diesel, gayung katataas lamang noong nakaraang linggo ng mahigit 50 sentimos sa kada litro dahilan sa umanoy pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar.
Sa kanyang panig, tiniyak naman ni LTFRB Chairman Winston Gines na walang magaganap na taas pasahe ngayong taon.
Anya, kailangan munang isampa ang bagong petisyon para sa P2 fare hike bago sila makakilos sa ahensiya. Dadaan pa anya ito sa serye ng pagdinig kaya’t malamang na sa susunod na taon na ito mabubusisi ng LTFRB sakaling may mag-file ng petisyon ang transport group.
Hindi naman anya naisasalang sa board meetings ang tungkol sa 50 sentimos na provisional fare increase sa pasahe sa jeep. Ang 50 cents provisional fare hike ay hindi na dumadaan sa pagdinig dahil ito ay ‘on and off’ na naipagkakaloob sa mga jeepney operators na humihingi sa ahensiya ng ayuda kontra epekto ng oil price hike.
Una nang iginiit ng ACTO ang naturang provisional increase sa board pero hindi naman naisasalang sa board ang tungkol dito.
- Latest