Empleyado ng PAGCOR, dedo sa ambush
MANILA, Philippines - Utas ang isang empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) makaraang barilin sa ulo ng mga hindi pa nakikilalang salarin, kamaÂkalawa ng gabi sa Pasay City.
Nalagutan ng hininga dahil sa isang tama ng bala sa ulo sa loob ng San Juan De Dios Hospital ang biktimang nakilalang si Johannes De Asis, 43, CCTV technician ng PAGCOR sa Manila Pavillion Hotel sa UN Avenue, Maynila at residente ng Mataas na Lupa St., Malate, Maynila.
Sa ulat ng Pasay City Police, naganap ang pamamaril dakong alas-6:30 kamaÂkalawa ng gabi sa kanto ng Seaside Blvd., at J.W. Diokno Blvd., ng naturang lungsod habang sakay ang biktima ng kanyang puting Honda Civic na kotse (UFD-826) nang barilin ng mga salarin.
Ayon sa security guard na si Jumen Gerale ng DJA Security Agency, kumakain siya sa kanilang barracks nang makarinig ng tunog na inakala niyang sumabog na gulong.
Nang inspeksyunin ang pinagÂmulan, nakita niya ang duguan at naghihingalong biktima na nakalugmok sa loob ng naturang kotse sanhi upang humingi siya ng saklolo sa mga kasamahan para maisugod ito sa pagamutan.
Pumanaw naman ang biktima dakong alas-9:30 ng gabi sa loob ng naturang pagamutan dahil sa tama ng bala sa ulo.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen kung saan tinitignan kung may kinalaman sa kanyang trabaho sa casino ang pamamaslang.
- Latest