MANILA, Philippines - Nakatakdang sampahan ngayon ng patung-patong na kaso sa Pasay City ProÂsecutor’s Office ang isang lalaki na nagpanggap na sundalo sa loob ng Villamor Air Base upang makapagnakaw umano ng relief goods, kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.
Nakatakdang sampahan ng kasong theft at usurpation of authority ang suspek na nakilalang si Dexter Basilio, isang project sales conÂsultant, at residente ng Phase 1 Block 1 Lot 9 Sunshine Homes, Brgy. De Castro, GMA, Cavite.
Sa ulat ng Pasay City PoliceÂ, dakong ala-1 kamaÂkalawa ng hapon nang arestuhin si Basilio ni A1C Alvin Alpichi sa loob ng massage booth sa Villamor Air Base. Nakasuot pa umano ito ng uniporme ng sundalo nang madakip.
Ayon sa testigong si Sheryl Tanggana, 25, staff ng DSWD, nagpakilala sa kanya bilang sundalo si Basilio at humihingi ng mga diaper para umano sa mga inaasikaso niyang mga bata na anak ng mga evacuees.
Hindi umano niya nabigÂyan at nagpatulong na lamang sa kanya ang suspek na buhatin ang dalang mga relief goods sa massage booth na napag-alaman nagkakahalaga ng humigit kumulang na P1,000.
Nagduda naman si Tanggana dahil sa hindi awtoÂrisadong lugar dadalhin ang mga relief goods kaya nagsumbong ito sa mga tauhan ng kampo. Nang hingan ng kanyang identification card at iba pang dokumento si Basilio na magpapatunay sa kanyang pagiging sundalo ay wala itong maipakita sanhi upang arestuhin na ito.
Ipinasa naman ng VillaÂmor Air Base ang kustodiya sa Pasay City Police na siyang nakatakdang magsampa ng kaso laban sa suspek.