Obrero patay sa kabaro
MANILA, Philippines - Tama ng saksak sa mukha at bewang ang tumapos sa buhay ng isang construction worker makaraang pagsasaksakin ng kanyang kabaro sa isang inuman sa lungsod Quezon, iniulat kahapon. Namatay habang isinusugod sa ospital ang biktimang si Marvin Sison, 34, biyudo at residente sa Brgy. Tandang Sora ng nabanggit na lungsod habang mabilis namang tumakas ang suspect na si Gorio Vertucio.
Ayon kay PO2 Marlon dela Vega, nangyari ang insidente sa may harap ng barracks ng biktima na matatagpuan sa Gloria Vista I Subdivision, Brgy. Tandang Sora, ganap na alas-5:30 ng gabi. Sabi ni Dela Vega, kapwa mga empleyado ng PR Fetalvera Construction Company ang biktima at suspect at stay-in sa naturang subdivision. Diumano, bago ang insidente, nag-iinuman ang biktima at suspect kasama ang ilang katrabaho sa lugar nang kalaunan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.
Dahil kapwa lasing, hindi nagkaunawaan ang dalawa hanggang ang pagtatalo ay nauwi sa pagsusuntukan. Nasa kainitan ng suntukan ang dalawa nang biglang umalis ang suspect at kumuha ng patalim sa loob ng barracks at saka binalikan ang biktima at sinaksak sa katawan at mukha.
- Latest