Trader patay sa shotgun ng sekyu
MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyante matapos na barilin ng isang security guard matapos ang mainitang pagtatalo sa lungsod Quezon kahapon.
Kinilala ni SPO1 Rommel Tiangco ang nasawi na si Michael Rodolfo, 21, ng Rainbow Homes 2, Brgy. San BartoÂlome, Novaliches, sa lungsod.
Nangyari ang insidente alas- 9:30 ng umaga sa harap ng guard house ng Rainbow Homes 2.
Ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa dibdib mula sa isang shotgun at naisugod pa sa Bernardina General Hospital kung saan ito idineklarang dead-on-arrival.
Samantala, tiniyak naman ni Tiangco na patuloy ang pagtugis sa tumakas na suspek na kinilalang security guard ng subdivision na si Vic Ajeas.
Ayon sa ulat, bago ang insidente, tinawag umano ng tiyahin ng biktima ang sekyu upang tingnan ang isang tao. Pero, sa hindi mabatid na kadahilanan, nagkaroon ng pagtatalo ang babae at ang suspek.
Dahil dito, agad na nagtungo si Rodolfo sa guard house at kinompronta ang suspek. Sa pagtatalo, sabi ng testigo sa pulisya, ang sekyu na may hawak ng shotgun ay pinaputukan ang biktima. Nang bumagsak sa simento ang biktima, agad na tumakas ang suspek at iniwan ang kanyang shotgun.
- Latest