Dalagita natusta sa sunog
MANILA, Philippines - Isang 14-anyos na dalagita ang nasawi matapos na madaganan ng gumuhong bahagi ng kanilang bahay habang nilalamon ng apoy sanhi ng umano’y napabaÂyaÂang kandila sa Brgy. West Fairview, lungsod Quezon.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, halos hindi na makilala ang biktimang si April Rose dela Rosa bunga ng labis na pinsalang natamo ng kanyang katawan dahil sa pagkakasunog.
Nangyari ang sunog dakong alas-2:00 ng madaling- araw sa ikalawang palapag ng bahay ng mga biktima sa may No. 24 Lilac St., Republic Ave.
Sa pahayag ni Tony Minguillo, kaanak ng biktima, nagising na lang umano siya nang sumisigaw ng sunog ang biktima dahil nilalamon na ng apoy ang kanilang bahay.
Dahil dito, agad na inilikas ni Minguillo ang mga kaanak mula sa lugar, pero nakita umano niya ang biktima na bumalik at may bitbit ng isang timbang tubig para apulain ang apoy.
Pero nang tangkain muli ng biktima na lumabas ay gumuho ang bahagi ng bahay at tamaan ito sanhi para mabuwal ito sa lapag at madaganan hanggang sa makulong na sa sunog.
Tumagal lamang ng ilang minuto ang sunog kung saan sa maagap na pagresponde ng mga pamatay sunog ay agad itong naapula ganap na alas-2:37 ng madaling-araw.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog, pero may nagsasabing residente na ang nakasinding kandila ang ugat nito dahil ito umano ang ginagamit na ilaw ng pamilya dahil wala umanong suplay ng kuryente dito.
Tinatayang aabot naman sa P100,000 ang halaga ng pinsala sa nasabing sunog
- Latest