5 parak sabit sa kotong
MANILA, Philippines - Limang pulis Malabon ang inireklamo ng isang tricycle driver ng pagnanakaw at pangongotong sa kanya noong Huwebes ng gabi.
Sinampahan ng kasong robbery extortion ni Jose Ballesteros sa Malabon City Police ang mga suspek na sina PO3 Dennis Lanot, PO1s Christopher Tesio, Adan Christian Taytay, Alfie Mariano at Renato Flores, Jr., pawang nakatalaga sa Police Community Precinct 3.
Sa salaysay ni Ballesteros, galing siya sa inuman dakong alas-11 ng gabi noong Huwebes nang sitahin ni Taytay nang mapadaan siya sa tapat ng PCP 3. Pinayuhan umano siya ng pulis na magpahinga at magpalipas ng kalasingan sa nakaparadang tricycle na pag-aari naman ng pulis na si Lanot.
Habang nakahiga, muling nilapitan siya ni Taytay at kinuha umano ang P4,200 na pera niya pati ang kanyang cellular phone bago siya dinala sa loob ng presinto dahil sa akusasyon na pinagtangkaan umano niyang tangayin ang tricycle ni Lanot.
Sa loob ng presinto ay naroroon rin umano ang iba pang mga kinasuhang pulis na nagbanta sa kanya na kakasuhan siya ng carnapping. Nakiusap naman ang biktima na tawagan ang mga kaanak upang maayos ang gusot na pinagbiyan naman siya.
Pagdating ng kanyang mga kaanak, hiningan pa umano ang mga ito ng P2,500 para mapakawalan si Ballesteros at hindi masampahan ng anumang kaso. Nang makapagbigay ng pera ay saka lamang ito napakawalan.
Kinabukasan nang mahimasmasan ay nagtungo sa Malabon City Police headquarters ang biktima at nagsampa ng kanyang reklamo sa naturang mga pulis. Nakatakda namang magsagawa ng imbestigasyon ang Northern Police District sa naturang akusasyon kung saan pinagpapaliwanag ang mga ito upang mapabatid ang katotohanan ng reklamo.
- Latest