Taguig police pinaaaksyon sa kaso ng ginang na hinoldap at pinaslang
MANILA, Philippines - Nanawagan ng aksyon buhat sa Taguig City Police ang pamilya ng isang ginang na hinoldap at pinaslang ng mga holdaper na riding-in-tandem kamakailan sa naturang lungsod.
Nakaburol ngayon ang biktimang si Imelda Flores, 53, ng Block 30 Lot 3 Bahas Street, Brgy. Central Bicutan, nang masawi buhat sa mga tama ng bala ng kalibre .45 baril.
Sa rekord ng pulisya, magÂdeÂdeposito sana ang biktima ng P.4-milyon sa isang banko nang harangin ng dalawang salarin lulan ng isang motorsiklo habang patungo ito sa terminal ng mga tricycle sa may Chaves Street, Brgy. Central Bicutan, dakong alas-2:30 noong Biyernes.
Nakipag-agawan umano ang ginang sa mga salarin hanggang sa walang awang pagbabarilin ito. Agad na nakatakas ang mga holdaper lulan ng isang motorsiklo na walang plaka.
Nakuha naman ni Police Community Precinct (PCP) 4 commander Senior Insp. Matron Calyaen na unang nagresponde sa lugar ang limang basyo ng kalibre .45 baril at isang hindi pumutok na bala na posibleng mula sa ginamit na armas ng mga suspect.
Ayon kay Nelson Flores, mister ng biktima, patuloy na nakalalaya ang mga salarin habang hindi umuusad ang kaso. Nanawagan ito sa Taguig City Police na gawin ang kanilang trabaho upang malutas ang mga krimen na sunud-sunod na nangyayari sa lungsod.
- Latest