Mga klase muling sinuspinde: MM tuluy-tuloy ang pagbaha
MANILA, Philippines - Patuloy na nalubog sa tubig-baha ang maraming bahagi ng Metro Manila dahil sa magdamag na pagbuhos ng malakas na ulan nitong Linggo ng gabi hanggang Lunes ng umaga dulot pa rin ng habagat.
Sa naitalang mga pagbaha ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan, umabot ng hanggang dibdib ang baha sa ilang lugar.
Sa Caloocan City, umabot ng hanggang tuhod ang tubig-baha sa may Rizal Avenue-Monumento Circle hanggang sa EDSA north-bound lane. Sa lungsod ng Maynila, naitala ang hanggang binting pagbaha sa mga kalsada ng Ramon Magsaysay Blvd., Pureza, España Blvd., Blumentritt, Lacson Avenue habang lagpas-tuhod ang baha sa may Rizal Avenue-R. Papa.
Sa Quezon City, naitala ng MMDA ang lagpas-tuhod na baha sa Araneta Avenue, E. Rodriguez Blvd., Quezon AvenuÂe, habang hanggang binti ang baha sa Ma. Clara Street, C-3 Road at A. Bonifacio. Sa Valenzuela City, umabot mula lagpas-tuhod hanggang bewang ang tubig-baha sa MacArthur Highway.
Sa Southern Metro Manila, umabot ng lagpas-tuhod hanggang dibdib ang tubig-baha sa mga Barangays 176, 179, 180, 183 at 184. Umabot sa 22 pamilya ang inisyal na nilikas sa Brgy. 179 na nakatira sa gilid ng estero. Lagpas-tuhod din ang baha sa EDSA-Taft Avenue, MIA Road-Coastal Road. Sa Parañaque City, umabot ng hanggang binti ang baha sa Baclaran, habang lagpas-tuhod ang tubig-baha sa tapat ng SM Sucat.
Sa Makati City, umabot ang baha sa pitong barangay sa lungsod mula lagpas-binti hanggang aabot sa bewang. Kabilang sa mga binahang barangay ang Magallanes, Pio del Pilar, Olympia, Tejeros, La Paz, San Isidro, San Antonio.
Nagdeklara naman ng kanselasyon ng klase mula pre-school hanggang kolehiyo ang mga lungsod ng Makati, Pasay, Parañaque, Taguig, habang hanggang high school lamang sa lungsod ng Muntinlupa.
- Latest