Mister binoga sa mismong birthday
MANILA, Philippines - Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang 32-anyos na mister sa mismong kanyang birthday makaraang barilin ng barangay tanod kahapon ng madaling-araw sa Malabon City. Naisugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Aristom Baluyot ng Brgy. Maysilo na nagtamo ng mga tama sa katawan at paa. Pinaghahanap naman ng pulisya ang barangay tanod na si Willy Marayag, stay-in sa barangay hall ng nabanggit na barangay. Ayon kay SP01 Edcel dela Paz ng Criminal Investigation Division, naganap ang krimen dakong alas-2 ng madaling-araw sa tapat ng barangay outpost sa panulukan ng Yanga at M.H. Del Pilar Street. Nauna rito, nagdiwang ng kanyang birthday ang bikitima at nakipag-inuman sa mga kaibigan at habang mag-isang naglalakad pauwi napadaan ito sa outpost na binabantayan ng suspek. Sa hindi malamang kadahilanan nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa mapikon ang suspek at agad nagbunot ng baril at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima. Matapos ang pamamaril ay kaagad na tumakas ang suspek habang ang biktima naman ay isinugod sa nasabing ospital.
- Latest