4 katao, sugatan sa resbak
MANILA, Philippines - Sinasabing resbak ang posibleng dahilan kung bakit pinagbabaril ng isang hindi kilalang lalaki ang apat na katao sa loob ng isang compound sa Mandaluyong City kamakalawa ng hapon.
Inoobserbahan pa ngayon sa Mandaluyong City Medical Center ang mga biktima na nakilalang sina Jeffrey Reyes Bunanig, 33, at Jocelyn Reyes Pingul, kapwa residente ng Ilaya St., Barangay Ilaya, Mandaluyong City.
Samantala, sugatan rin naman sa insidente ang dalawang construction worker na sina Willy Alcantara, at Gino Lorenzo, 26, kapwa ng Mandaluyong City.
Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nag-iisang suspek na tuÂmakas sakay ng isang scooter at inilarawang nakaÂsuot ng bull cap at jacket.
Sa imbestigasyon ni PO3 Marvin Masangkay ng Criminal Investigation Unit (CIU), nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-2:30 ng hapon sa mismong compound ng pamilya Reyes sa Ilaya St.
Sinasabing bigla na lang dumating ang suspek na sakay ng scooter at pinagbabaril sina Alcantara at Lorenzo na siyang nautusang gumawa ng bagong gate ng pamilya Reyes.
Nang makitang bumagsak ang dalawa ay kaagad na pumasok ng bahay ang suspek at saka naman binaril sina Bunanig at Pingul.
Inaalam na umano ng pulisya kung posibleng pagÂhihiganti ang motibo ng pamamaril dahil noong Agosto 9, 2013, isang Gerald Reanales ang binaril din sa lugar, at itinuturo umanong kabilang sa mga suspek sa insidente ay kamag-anak ng mga Reyes.
Lumilitaw na away sa lupa ang posibleng ugat ng krimen at maaaring nadamay lamang sina Alcantara at Lorenzo.
Patuloy ang imbestigasÂyon sa kaso.
- Latest