Poste bumuwal: 2 pedestrian sugatan
MANILA, Philippines - Dalawang pedestrian ang malubhang nasugatan makaraang mabagsakan ng bumuwal na poste ng Meralco dulot ng isang trailer truck na sumabit sa kawad nito sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon sa ulat ng Brgy. South Triangle Rescue team, nakilala ang mga sugatan na sina Randy Villanueva, 45, na nagtamo ng bali sa kanyang kanang hita; at Ricardo Almonte, 64, na nabalian sa bewang.
Sa ulat ng Traffic Sector 4 ng Quezon City Police District, ang dalawa ay nasugatan makaraang madaganan ng bumagsak na poste sa kahabaan ng Quezon Avenue, panulukan ng Delta, ganap na alas-10:45 ng gabi.
Bago ito, isang truck umano ang nagdaan sa naturang lugar at nadale ang mga kawad ng kuryente na naglaylayan. Kasunod nito ang pagdating ng trailer truck na minamaneho ng isang Alejandro de Vera at tuluyang nasuyod ang kawad ng kuryente hanggang sa bumuwal ito. Sinasabing dahil sa magkakarugtong ang kawad ng mga kuryente, dalawang poste pa ang nabuwal kung saan tiyempo namang nagdaraan sa lugar ang dalawang biktima na nabagsakan ng poste at nasugatan.
Samantala, sa pagbagsak ng mga poste, ilang oras na nawalan ng suplay ng kuryente sa lugar, na sanhi upang magdulot din ng pagsisikip ng daloy ng trapiko. Pasado alas-12 ng hatinggabi nang tuluyang maibalik ng Meralco ang suplay ng kuryente, habang ang driver ng truck ay dinala naman sa himpilan ng Sector 1 para maimbestigahan.
- Latest