Sadyang iniwan sa terminal: 10-month old baby, gumapang sa kalye
MANILA, Philippines - Kung hindi pa nailawan ng sasakyan, maaaring disgrasya ang inabot ng isang 10 hanggang 11 buwan na sanggol na batang lalaki na natagpuang pagapang-gapang sa gilid ng bangketa sa isang barangay sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Barangay Kagawad Gloria Osares, ang sanggol na wala pang pagkakakilanlan ay natagpuan sa may harap ng kulay brown na gate na matatagpuan sa Sgt. Catolos St., Brgy. Immaculate Concepcion, ganap na alas-6:10 ng gabi.
Sabi ni Osares, ang sanggol ay natagpuan ng driver ng PUJ na si Carlos Balbuena na pagapang-gapang sa madilim na bahagi ng gilid ng bangketa malapit sa isang terminal sa naturang lugar.
Nakasuot ng shorts ang sanggol at sa tabi nito ay may isang plastic kung saan nakasilid ang apat na piraso ng maruming sando nito, dagdag ni Osares.
Gayunman, malusog at wala naman umanong sakit ang sanggol nang ipasuri nila sa ospital at ligtas naman ito sa anumang kapahamakan.
Bago ito, ilang jeepney driver sa lugar ang nakakita sa isang babae na nakasuot ng maong na pantalon at polo shirt na may bitbit na bata.
Tinanong pa umano ng mga driver ang babae kung sino ang hinahanap nito, pero hindi sumagot at naglakad papalayo.
Ilang minuto, bumalik umano ang babae pero wala na ang sanggol dahilan para magtaka ang mga driver at inakala lang nilang iniwan ang beybi sa kanyang mga kaanak.
Subalit, habang sakay ng kanyang PUJ si Balbuena at papaatras malapit sa naturang lugar, bigla na lamang umanong sumigaw ang isang lalaki na sakay ng isang kotse ng “bata.â€
Dahil dito, agad na nagpreno si Balbuena ng kanyang sasakyan at nang puntahan ang likod ay saka bumulaga sa kanya ang sanggol habang gumagapang sa gilid ng bangketa.
Agad na binitbit ni Balbuena ang sanggol saka itinawag sa barangay hall para sa kaukulang disposisyon.
Ayon pa kay Osares, masuwerte na lamang umano at nailawan ang sanggol ng kotse dahil kung hindi ay posibleng nasagasaan ito at mauwi sa kapahamakan.
Samantala, sinabi ni Osares, tinitingnan nila sa pangyayari kung totoong ang tunay na ina nito ang nagtapon sa sanggol o kaya ay tinangay ito ng babae saka itinapon. Dahil base anya sa kalagayan ng bata na malusog ang katawan, mukhang maayos na inaalagaan ito ng kanyang ina hindi tulad ng ibang sanggol na nagtatapon na marungis at napabayaan.
Ang sanggol ay ipinadala na ng barangay sa pamamahala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa wastong pangangalaga rito.
- Latest