Mag-live-in kalaboso sa abortion
MANILA, Philippines - Kapwa kulungan ang kinasadlakan ng mag-live-in partner makaraang ireklamo ng isang pagamutan nang sadyang paglaglag sa fetus na dinadala sa sinapupunan ng babae, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nakilala ang mga inaresto na sina Charlyn Barsaga, 22, medical transcriptionist, at kinakasama nitong si Bennie del Castillo, 24, kapwa ng Interior EDSA, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Pasay City Police, tumawag sa kanilang tanggapan ang kinatawan ng Ospital ng Maynila at iniulat ang nadiskubre nilang pag-inom ng gamot na Cytotec ni Barsaga sanhi upang malaglag ang fetus sa kanyang sinapupunan. Agad na nagtungo sa naturang pagamutan ang mga pulis na naging dahilan upang dakpin ang dalawa.
Sa imbestigasyon, nabatid na bumili ang dalawa ng Cytotec na iligal pa ring naibebenta ng mga sidewalk vendor sa Quiapo, Maynila. Nabatid na 16 na piraso ng naturang iligal na droga ang ininom ng babae noong Sabado ng gabi sa tulong na rin umano ni Del Castillo.
Kinabukasan ay dinugo na nang husto si Barsaga at lumawit sa puwerta nito ang may 4 na buwang fetus. Mismong si Del Castillo pa ang gumupit sa pusod ng fetus saka isinugod ang kinakasama sa Ospital ng Maynila. Sa loob ng pagamutan, inamin ng babae sa kanyang doktor ang pag-inom ng naturang tabletas sanhi upang iulat ito sa Pasay Police.
- Latest