P965-M ilegal na droga, sinunog ng PDEA
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P965 milyong halaga ng ilegal na droga ang sinunog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon sa Malabon City.
Ang mga sinunog na ibat-ibang uri ng droga ay may kabuuang 722,446.5 gramo kabilang ang methamphetamine hydrochloride o shabu, cocaine, ephedrine, pseudoephedrine, marijuana, ecstasy, valium, mga expired na gamot at 4.3 litro ng liquid dangerous drugs.
Nangyari ang pagsunog sa Clean Leaf International Corporation (CLIC) sa may 397 M.H. Del Pilar St., Brgy. Maysilo sa lungsod sa pamamagitan ng thermal decomposition.
Ayon kay Usec. Arturo G. Cacdac, director general ng PDEA, ang mga ilegal na droga ay maayos na ibinigay sa kanila ng iba’t iba pang law enforcement agencies gaya ng National Bureau of Investigation (NBI), PDEA Regional Offices, at mga Regional Trial Courts.
Hindi na rin kailangan ang mga ito bilang ebidensiya sa korte. (Ricky T. Tulipat with trainee Ma. Juneah Del Valle)
- Latest