Sunog sa Pasay: Paaralan nadamay
MANILA, Philippines - Nadamay ang isang pampublikong elementaryang paaralan sa malaking sunog na tumupok sa daan-daang kabahayan sa isang squatter’s area sa Pasay City, kahapon ng hapon.
Nabatid na natupok ang nasa 20 silid-aralan ng Apelo Cruz Elementary School at maging ang Guidance Counselor Office, Computer Office at silid-aralan ng paaralan. Nagkaroon ng kaguluhan sa naturang paaralan na nagawa namang makontrol din ng mga guro at mapalabas sa oras ang mga batang mag-aaral.
Sa inisyal na ulat ng Pasay City Fire Department, dakong ala-1:14 nang sumiklab ang apoy sa bahay na pag-aari umano ng isang Nimfa Renion, ng Brgy. 157 Zone 16 sa Apelo Cruz. Dahil sa pawang yari sa light materials ang mga kabahayan, mabilis na kumalat ang apoy na umaÂbot hanggang sa karatig Barangay 162 at 163.
Ayon kay Pasay Fire Marshall Chief Insp. Douglas Guiab, umabot sa Task Force Bravo ang naturang sunog kung saan tinatayang nasa 250 kabahayan ang natupok ng apoy. Nagkaroon naman ng kaguluhan nang agawin ng ilan sa mga residente ang fire hose ng mga bumbero at sila na ang magbuga ng tubig sa kanilang mga bahay. Sinabi ni Guiab na may ilang ulat na nasaktan sa sunog na kanila pang bineberipika. Habang isinusulat ito, patuloy pang nakikipagÂlaban sa apoy ang mga bumbero at hindi pa tuluyang nakokontrol ang apoy.
- Latest