Severe dehydration sanhi sa pagkamatay ng 2 nawalang paslit
MANILA, Philippines - Lumilitaw na severe dehydration ang ikinasawi ng dalawang paslit na natagpuang patay sa loob ng isang kotse sa Taguig City, kamakalawa.
Ito ang sinabi kahapon ni Southern Police District (SPD) Director Jose Erwin Villacorte, base umano sa inisyal na resulta ng awtopsiya ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bangkay ng dalawang bata na kasalukuyang nasa Our Lady of Loreto Funeral Homes.
Nangangahulugan ito na lumakas ang teorya na sadyang nakulong sa kotse ang mga biktima at doon nasawi dahil sa walang mainom na tubig at makain. Sinabi ni VillaÂcorte na inisyal na resulta pa lamang ito at nasa isang linggo pa bago makuha ang buong resulta ng awtopsiya.
Nauna nang sinabi ni Taguig City Police chief, Sr. Supt. Arthur Felix Asis na walang senyales na nagkaroon ng karahasan sa loob ng sasakyan at suot-suot pa rin ng mga paslit ang mga damit na suot nila nang mawala sila noong Marso 27.
Sa kabila nito, marami pa rin umanong tanong na hindi nasasagot tulad ng kung paano nakapasok sa loob ng sasakyan, paano nakulong ang mga ito at kung bakit walang nakakita sa mga ito gayung halos nasa harap lamang ito ng barangay hall at sinabi ng mga magulang na kabilang ang naturang compound sa lugar na una nilang sinuyod nang mawala ang mga bata.
May mga teorya na nakandado ang mga bata dahil sa may “automatic child lock†ang kotse at kapwa nasawi dahil sa hirap huminga at kawalan ng tubig at pagkain.
Nabatid na natagpuan ang bangkay ng mga bata nang ipalinis ng may-ari ng mga kotse ang compound sa tatlong kabataan. Nakaamoy ang mga ito ng mabaho at naÂtukoy ang kotseng pinagmumulan na kanilang binuksan.
- Latest