Naaagnas sa loob ng isang kotse 2 paslit na nawala sa Taguig, natagpuang patay
MANILA, Philippines - Kapwa bangkay na nang matagpuan ng kanilang mga magulang ang dalawang batang lalaki na iniulat na nawawala noon pang Marso 27, sa loob ng isang ipinaradang kotse malapit sa barangay hall sa Taguig City kahapon.
Pasado alas-12 ng tanghali nang iulat sa Taguig City Police ang pagkakaÂtagpo sa bangkay ng mga bikÂtimang sina Dayne Buenaflor, 4-anyos at James Naraga, 3-taong gulang.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) kung saan narekober ang mga bangkay sa loob ng isang nakaparadang itim na kotseng Sedan na may plakang (UGX-606) sa isang compound sa Brgy. Wawa, sa naturang lungsod.
Ayon kay Senior Supt. Felix Arthur Asis, hepe ng Taguig Police, mga bata rin umano ang nakakita sa mga biktima habang nililinisan nila ng damo ang compound kung saan nakaparada ang kotse at iba pang sasakyan saka iniulat sa barangay.
Agad namang tumawag sa pulisya ang mga opisyal ng barangay.
Nabatid sa imbestigasyon na natagpuan ang mga bata sa compound kung saan nakaparada ang mga sirang sasakyan na pagmamay-ari ng isang nakilala sa pangalang Boy Valenzuela.
Nagpalinis umano si Valenzuela at nakita ng tatlong bata na nakaawang ang pinto ng isa sa mga sirang kotse at nang buksan nila ay nakita ang mga bangkay.
Wala namang nakitang anumang pinsala sa katawan sa mga bangkay dahil sa pagkaagnas. Dinala na ang mga ito sa punerarya para isailalim sa awtopsiya upang mabatid ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng mga ito na makakatulong sa imbestigasyon.
Bagama’t may mga teorÂya nang sinusundan ang pulisya sa naganap sa mga bata, tumanggi ang mga ito na magbigay pa ng pahayag ukol dito.
Isa sa inaalam ay kung bakit hindi napansin ng mga tauhan ng barangay ang mga bata kung nakulong ang mga ito gayong halos katapat lamang ng barangay hall ang mga kotseng nakaparada.
Kabilang ang dalawang bata sa mga iniulat noong katapusan ng Marso na nawawala habang nasa kainitan ang tsismis sa grupo umano ng lalaki lulan ng mga van na dumudukot sa mga paslit para sa lamang-loob ng mga ito.
Nangako noon ang pamunuan ng Taguig Police at National Capital Regional Police Office na tututukan ang kaso ng mga nawawalang bata na hindi natagpuan hanggang sa bangkay na nang makita ang mga ito.
- Latest